Our Way Forward
On Youth Engagement and Citizenship
Siguro pinakamadaling simulan ang sanaysay na ito sa isang pagpapakilala.
Siguro pinakamadaling simulan ang sanaysay na ito sa isang pagpapakilala. Ako si Smile Indias mula sa Fine Arts Department at kasalukuyang Program Coordinator ng Information Design. Isa akong millennial na Graphic Designer na interesadong malaman kung ano ang lugar ng design sa pagpapabuti ng lipunan.
Mainam na rin sigurong bigyang-linaw ang konteksto ng pagbabahaging ito. Hindi ito galing sa pormal na research kundi sa isang pagmumuni-muni mula sa mga naipong kwento at karanasan ng ilang mga kabataang patuloy na hinahanap ang aming puwang kung paano ba talaga kami makakabahagi sa pag-unlad ng bayan.
“Nasaan na ba kasi ang mga kabataan?” Bago pa man mangyari ang COVID-19, madalas ko na itong naririnig mula sa mga boomers. Kapag naririnig ko ‘to, napapaisip ako lagi. Kung nandito naman ako at ilan sa mga kaibigan ko, at sa tingin ko naman, bata pa kami, sino ba talaga ang hinahanap ng mga nakakatanda? May specific number ba na dapat makita para maging “counted?” May eksaktong pin ba sa waze kung saan dapat pumunta at magpakita? Anong klaseng paglabas ba ang sinusukat?
Isang misteryo talaga sa akin ang tanong na ito kaya sumali ako sa isang Freedom Space[1] noong February para maintindihan ang point-of-view ng ilan sa mga hinahangaan kong Development people. Lumabas sa usapan na sa batang edad, pinili talaga ng henerasyon nilang lumaban sa Martial Law. Ilan sa kanila ay nagsimulang mag-rally kahit High School pa lang. Ang ilan, tumigil mag-aral para sumama sa kilusan. Bata pa lang sila, napilitan na silang manindigan para sa sarili, sa pamilya, para sa bayan.
Kung ito pala ang pamantayan, mukha talagang petiks lang ang kasalukuyang kabataan. (Imagine, ilang oras nga ba ang inuubos ko sa maghapon kaka-stalk ng mga artista sa instagram? I’m sure wala silang oras para sa mga ganyang kababawan nung kasing edad ko sila.)
Magkagayunman, maganda ang tugon ng ilang millennial na dumalo sa usapan. Sa panahon ngayon, hindi na lang iisa ang kalaban. In fact, mas mahirap pa nga dahil hindi na lang ito usapin ng bilang. Invisible na ngayon ang kalaban. Paano ka nga ba tatayo at maninindigan kung walang iisang mukha ang dapat mong tingnan?
May ilang articles ang nagsasabing suwerte ang mga millennials dahil napagitnaan namin ang analogue at digital life. Lumaki kami sa isang panahong wala pang taning ang mundo. Conserve water. Reduce, Reuse, Recycle. Ito lang ang mga environmental concerns na kinalakhan namin. Hindi ganito “ka-suwerte” ang mga Gen Z pero wala na ata talagang taong swerte ngayong 2020. Sa panahon ngayon, sobrang dami ang kailangang isipin at tugunan: worsening social inequality, fragility of truth, climate change, gender and racial politics, misogyny, mental health, erosion of institutions, corruption in government, rising trend of authoritarianism, at dagdagan pa natin ng COVID-19. Isang public health crisis na lalong nagpapalutang sa mga problemang hindi natin makita kaya’t lalong hindi natin matakasan o matugunan.
Pero nitong nakaraang dalawang buwan, naging malinaw na hindi ‘yan ang piniling gawin ng ilang mga kabataan. Gen Z man o millennials, kahit may mga restrictions at kahit na hindi naman tumitigil ang trabaho o eskwela, may mga kabataang tumugon sa tawag ng lipunan. Maraming nabuong volunteer-led online efforts. Nariyan ang Help from Home, isang website kung saan pwedeng makita kung anong barangay o ospital ang nangagailangan ng supply o ayuda. Nariyan ang Open House, isang online fundraising project para sa performing arts community. Ang Life Cycles PH naman ay isang online effort para mag-match ng bike donors at frontliners na naipit sa kakulangan ng public transportation. Isa sa pinakapaborito ko ang Stoko Design Studio--isang barkada ng mga Information Design majors na nagsama-sama para tumanggap ng freelance work para may maidonate silang pera. Nariyan din ang Citizen’s Budget Tracker, isang online effort para patuloy na bantayan ang budget at spending ng pamahalaan ngayong panahon ng pandemya.
Ilan lang ang mga ito sa daan-daang mga efforts na pinangungunahan ng mga kabataan ngayon. Maraming nag-fundraising, nagluto, nagbenta ng local products, kumanta, nag-Tiktok for a cause, nag-design, gumawa ng meme, nagsulat ng tula, nag-volunteer mag-repack ng PPEs at mag-deliver sa mga ospital at komunidad. Lahat ng mga ito, piniling gawin ng mga kabataan dahil kaya nila at alam nilang ito ang kailangang gawin ngayon.
Sa isang usapan namin ng ilang kaibigan, naging malinaw--kung meron mang kayang gumalaw sa panahong ito nang hindi lumalabas ng bahay, millennials at Gen Z iyon. Para saan pang sanay tayong makipag-usap sa 100 na group chats nang sabay-sabay in different apps habang nasa isang Zoom meeting, habang nakikinig sa Lo-Fi beats, habang gumagawa ng Bawal Lumabas x Stay at Home (Stay at Home) memes at nakikipagbardagulan sa Big Four Trashtalkan? Okay, hindi ko papasukin ang usapin ng glorification of the busy life pero ang point lang naman, kaya itong lahat ng mga kabataan. Imagine kung ano pa ang kaya natin/naming gawin kung bibigyan talaga tayo/kami ng espasyo para makilahok sa pagbubuo ng “new normal”?
Sa espasyong ito, hindi lang tayo basta taga-photocopy o taga-take down ng notes ng mga nakakatanda sa atin. Kasama talaga tayo sa pag-imagine at pagbuo ng isang sistemang patas at may pagpapahalaga sa community, identity, at kindness. Siguro ang panawagan ay hindi sana hintaying tumanda muna ang mga kabataan bago sila pakinggan. Ang panawagan ay matanggap na may iba talaga kaming/tayong #hugot pero hindi ibig sabihin na wala tayo/kaming pakialam. Ang panawagan ay magkaroon tayo ng lakas ng loob na makisali sa usapan kahit na ito ay “pang matatanda lang.”
Hindi layunin ng muni-muning itong pag-awayin ang mga henerasyon. Tulad nga ng natutuhan natin sa mga karanasan ng mga dating bata noong panahon ng Martial Law, sustainable change will only happen if all generations come together. Cliche ito pero totoo: Tinatawag ang lahat para maki-ambag sa paraang kaya at alam. Dahil dito, kailangan nating suriin ang pakikipag-ugnayan natin sa isa’t isa. Kailangan nating tanggapin na ang paraan ng pag-ambag ay hindi dapat limitado ng ating edad, kurso, o trabaho.
Dito ko pinakanaiisip ang Design. Para sa karamihan, ang pag-ambag gamit ang design ay pagpapaganda ng mga print and digital materials. Kung ganito ang pananaw, nalilimitahan ang designers sa pwede niyang salihang usapan dahil hindi nako-consider na ang Design ay ang masusing pag-iisip at pag-unawa sa kapwa. Ang Design ay research at collaboration. Ang pag-ambag gamit ang Design ay pakikinig sa tao at pagbubuo ng mga tools na tunay na kailangan at naiintindihan ng lipunan. At hindi dahil papel, colored pens, at computer ang aming sandata, ibig sabihin, hindi siya kasing halaga.
Ito sana ang gusto kong tumbukin: walang iisang henerasyon, propesyon, o kakayahan ang may monopolyo sa tamang pag-ambag dahil walang iisang paraan ng pakikilahok sa pagbuo ng bayan. Ito ang panahon para lawakan natin ang pag-unawa sa pag-ambag.
Service and engagement can come in multiple forms. At kapag nakita natin ang lugar natin sa malaking universe ng mga dapat gawin sa pagbubuo ng “new normal”, sana ang una nating maisip ay paano ba natin maeengganyo ang iba na sumali sa kailangan nating gawin? Kapag hindi natin giniba ang pre-ECQ definition natin ng pag-ambag (one that requires age, expertise, money, and titles; one that demands people speak a certain language to be considered smart or credible), babalik lang tayo sa nakagawian. At ito ang dapat nating iwasan.
Siguro ito na 'yung punto ng kasaysayan kung saan hinihikayat tayong maging mas bukas sa pagbabago; bumitaw sa ilang nakasanayan. Kasama na rito ang pagpapalawak sa pag-intindi natin sa tunay na hamon ng pag-ambag. Sa ganitong paraan, hindi natin kailangang maghanapan o magsukatan kasi wala na tayong iisang pamantayan ng pagkilos. Walang edad o walang propesyon, walang tama o maling form. Lahat tayo kasali at inaasahang tumulong para mas maraming mukha ang haharap sa iba't ibang anyo ng kalaban.
Panahon ngayon para magyayaan. Hindi pa man tayo makalabas, pero pwede na nating simulan: gawin nating FOMO-worthy ang pagbuo ng enhanced ultimate group project ng bayan.